Sometimes You Just Fall In Love

Chapter 1 - Ang Weird


“Maganda naman, pero bakit parang hindi siya pareho sa gusto ni Ms. Agape?” tanong ni Bella, ang wedding organizer at head ng Marry Me, Marry Me, nang sumulyap sa akin. Puno ng katanungan ang mga mata niya, ngunit mas nanaig ang pagkadismaya na umukit sa kanyang mukha.

Nakaupo ako sa harapan niya sa pagitan ng kanyang mesa. Gabi na ngayon, kung kaya kami na lamang dalawa ang natitira dito sa shop. Kinailangan ko kaseng ipakita sa kanya iyong mga bridal designs na ginawa ko para sa kliyente namin. And this is just all I got from her. Disappointment! Hindi pa kasali diyan ang mga bulati sa tiyan ko na kanina pa nagrereklamo dahil sa gutom. Anong oras ba kami matatapos dito? Sinilip ko ang relo ko, hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang sinilip ang relo ko, at shaks mag aalas syete na!

Sinilip ulit ni Bella ang hawak niyang sketch book. Paulit ulit niyang tinignan ang magkabilang pages na naglalaman ng mga Bridal designs ngunit paulit ulit din siyang napapailing. A cue sign na talagang hindi niya nagustuhan ang gawa ko. Damn!

“Ahm, Ma’am hindi niyo po ba nagustuhan?” ang tanga ko lang di ba para tanungin pa iyon? Pero wala eh, hindi naman niya sinasabi at wala rin naman siyang sinasabi so kailangan kong itanong para ma-sure ko na ayaw niya nga talaga.

“Kim, hindi naman importante kung gusto ko ang design or hindi. Ang importante ay yung gusto ng Kliyente. Ang gusto ng kliyent ang dapat masunod. At yun ang hindi ko makita dito!” hirap akong napalunok nang makita ang busangot niyang mukha.

“Eh Mam, hindi pa naman tayo sigurado kung magugustuhan ba nila o hindi ang ginawa ko. Malay po natin baka magustuhan ni Ms. Agape” sabi ko at ngumisi.

“Malay? at baka?” sabi niya “See! Ni hindi ka rin sigurado!” medyo tumaas ang boses niya sa huling salita niya at nailing. Visible na visible na ang inis sa kanyang mukha.

Sinapo niya ang kanyang noo habang umiiling. Pagkatapos bumaling ulit siya sa akin.  “Look, wala namang masama kung gusto mong i-suggest yung designs mo. But prior to offering your suggestions, you have to follow their instructions!” mariin niyang sinabi “At diyan tayo lagi nagtatalo Kim eh! Pambihira ka naman!” Sinapak niya ang mesa nang may konting lakas dahil sa inis. Napapikit pikit ako sa bigla.

Gusto kong magsalita para magprotesta pero “sige po mam, uulitin ko na lang po ito ulit at iyong gusto na ni Ms. Agape ang susundin ko” pucha yun na lamang ang tanging lumabas sa bibig ko. Nakakainis!

Napabuntong hininga pa siya bago tuluyang magsalita “And how long all of this will take?” as usual siyempre hindi pa natapos doon ang usapin namin di ba? May follow up question pa siya.

“Sa Huwe--

“Kakayanin ko po. Kakayanin kong tapusin ito bago mag huwebes” hindi ko na siya pinatapos sa sasabihin niya. Ni hindi ko nga rin nakuhang pagisipan yung naging sagot ko. Ano na bang araw ngayon?

“Okay sabi mo eh” tumango tango siya at ngumisi. Ngising nakaasar “So I’ll expect your final sketch the day after tomorrow” nagangat siya ng kilay.

Nalaglag ang panga ko. WTF! The day after tomorrow? Ibig sabihin may isang araw lang ako para gawin ulit yung sketch? Hayyyy, Ang tanga mo talaga Kim!

“Kim you know what, colors beautifies artwork, but all it takes is a little research and you can find the significance of it”

She ended our conversation with a piece of advice. Hindi ko rin naman nakuha ang ibig niyang sabihin kaya hindi rin ako nakasagot sa kanya.

“Gets mo?” she said sarcastically.

Muling nalaglag ang panga ko sinabi niya.

 

“Anak ng putek! Sinabihan ba naman akong, Gets mo?” Alam kong hindi ko naintindihan ang sinabi ni Bella, pero masakit din pala kapag ipinamukha yon sayo. Kaya heto panay ang bulyaw ko sa kaibigan kong si Steve habang kausap sa cellphone. Isa siyang bading at kasama ko rin sa trabaho.

Nasa kwarto na ako ngayon. Tapos na rin ako kumain. Nakapagpalit na rin ng damit pantulog. Si mama naman ay nasa kabilang kwarto kasama ang dalawa kong pamangkin. Kinidnap na naman ni Mama yung mga anak ng kuya ko.

“Alam mo ba yung okay na sana, may pa-advice advice pa siya. Tapos biglang, gets mo? Tapos ang sarkastiko pa ng tono. Di ba nakakainis lang talagang isipin!”

“Ano ka ba girl, parang hindi ka pa sanay kay Bella. Alam mo naman yun, straight forward kung magsalita. Pero no offense meant naman yun para sa kanya” aniya.

Okay gets ko naman yon sinasabi ni Steve. Pero hindi ko mapigilan itong pagusok nang ilong ko sa kainisan. Hindi naman sa may sama ako ng loob sa boss ko. Dahil sa totoo lang okay naman kami ni Bella kahit hindi kami super duper close. Iyon nga lang tama si Steve, straight forward si Bella, napakapranka, in short INSENSITIVE! Wa pakels!

Hindi rin nagtagal ang paguusap namin ni Steve. Gabi na kase at may pasok pa kinabukasan. Pero dahil sa inis pa ko, hindi rin ako halos makatulog. Nagpapalit palit na ako ng posisyon sa kama pero nabigo ako. Kaya kinuha ko nalang ulit ang cellphone ko sa side table ng kama ko. Maglalaro na lang ako ng ML.

Kinabukasan, heto ang napala ako.

“Kadarating mo lang? It’s almost 10” salubong ni Bella sa akin galing pantry.

Prim and proper as always! Suot lagi ang magaganda niyang casual attire from top na laging puti down to its bottom na laging naka slacks. Ang mukha? Pulang pula ang labi, wearing her all time signature lipstick. Nakaponytail din siya, na nakadagdag lalo sa aura niya. Maldita!

“Sorry po mam” sabi ko.

Napangsinghap lamang siya at umiling. Tapos bumalik na ulit siya sa kanyang opisina.

“Ang aga-aga, ako na naman ang nakita” simangot ko habang inayos ang aking gamit sa mesa.

“Ikaw naman kase, alam mo naman nasapol ka na kagabi. Nagpalate ka pa ngayon. O di center of attraction ka ngayon” sabi ni Nick. Na ang totoong pangalan ay Danica. Isang tomboy, na may girlfriend na kasamahan din namin dito sa trabaho, si Mariel. At pareho silang bridal stylist.

“Alam mo hindi ko alam kung si Mariel ba o si Steve ang jow mo” simangot ko. Ngumisi lamang siya saka bumalik sa kanyang upuan.

Naging mabilis ang oras sa umaga. Sa sobrang bilis pakiramdam ko parang wala pa akong nasisimulan na trabaho. Samantalang bukas na ang deadline ng revision ko. Goodluck na lang sa akin!

“Goodluck talaga sayo!” ngisi ni Nick. Ngising nkakaasar.

Magkakasama kami nina, Nick, Mariel, Ruby at Steve dito sa Marry Me Marry Me. Konti lang din naman kami dito sa shop. Pero may mga kasamahan din kaming mga tailors na siyang gumagawa ng mga bridal gowns. Kaya hindi lang kami basta batang wedding organizer. Cause we covered it all for you!

Dahil kami kami na rin naman ang magkakasama, magkakasama rin kami tuwing breaktime. Maliban na lamang kay Bella, na laging late kung kumain or di kaya lunch out. Pero may mga araw din naman na nakikisabay siya sa amin.

“Ayan kase, may pa Huwebes-huwebes ka pang nalalaman. Buti sana kung madali lang gumawa ng designs. Tapos isang araw lang, Ikaw na girl!” ngumunguya pa si Steve habang sinabi iyon.

“Correction! Half day ka na lang meron para gawin yon” singit naman ni Mariel. Naglalaro ang mga kilay niyang tumingin sa akin. Tapos tumango tango. Haist talagang nakuha pang mang-aasar ang mga to. You’re not helping me guys!

“Kaibigan ko ba talaga kayo?” sabi ko habang isa-isa silang binalingan ng tingin.

“O bakit sa akin ka nakatingin. Nanahimik ako dito ah” angil ni Ruby nung siya na ang tinitigan ko.

“Hindi ba dapat ine-encourage niyo ako sa mga oras na to, hmmm” ngisi ko.

Tumango tango si Steve “Sige girl, panindigan mo yan. Kering keri mo yan. I’m so proud of you!” partida puno pa ng pagkain ang kanyang bibig habang sinasabi iyon. Pero hindi ko matukoy kung na-encourage ba ako sa sinabi niya o mas lalo lamang akong kinabahan!

Pagkatapos namin kumain ay nagsibalikan na sila sa kani-kanilang mesa. Samantalang ako ay nagpaiwan dito sa pantry para maglaro ng ML. Ni hindi man lang pinoproblema ang deadline bukas. Eh bakit ba? Lunch break naman ngayon ah.

Tahimik na ang opisina dahil karamihan sa kanila ay nag-sisiesta. At ako, eto seryoso at focus sa paglalaro.

“Are you done eating?”

Nagangat ako ng tingin sa nagsalitang babae. Si Bella, bitbit ang kanyang baon.

Hindi na ako nagtataka kung bakit ngayo palang siya kakain. Dahil kung gaano siya kaaga sa trabaho ganon siya kalate sa pagkain. Hindi na rin ito first time para sa akin na magkasama kami sa pantry ngayon, yung kami lang dalawa. Kaya deadma na lang, pero…

Tumango tango ako “ah yes mam.”

“Okay, kain tayo ulit?” anya sabay umupo sa mismong mesa kung nasaan din ako. Maliit lang ang pantry namin ngunit may dalawang mesa iyon sa loob.

“Okay na po ako mam, Salamat po.” nginitian ko siya ngunit agad ko rin ibinalik ang aking titig sa cellphone ko.

“Ano ba yang nilalaro mo?” she asked plainly.

“ML” tipid kong sagot ko pero hindi na ako nagatubiling tingnan siya.

“Ang daming na-aaddict diyan, ah”

“Oo nga eh”

“Buti hindi ka na-aaddict”

“Naku! malapit na” sabi ko sabay tumawa ng mahina.

“Ay p*ta, hoy anong ginagawa mo diyan?”

“Anak ng!”

“Ang bobo mo! Bobo!”

Sunod sunod akong nag trash talk. Nawala sa isip ko na may kasama pala ako sa loob! My God Kim nasaan ang manners mo?

Sinulyapan ko si Bella, nakatingin siya sa akin ngunit wala naman akong nakikitang kahit na anong reaksyon sa mukha niya. Bella pa rin!

“Mam, wag niyo akong pansinin dito ha, kain ka lang po diyan” sabi ko.

Tumango tango lamang siya at nagpatuloy ulit sa pagkain. See, wala siyang pakels!

“Yes!”

“Yes panalo!”

“Yes, Ang galing ko talaga!”

Ang saya saya! Panalo! Ngayon ay nakita ko ang nagging reaksyon niya nang sumulyap ulit ako sa kanya. Bumagal ang pagnguya niya sa kanyang pagkain habang nakatingin sa akin. Medyo napataas yata ang boses ko kaya nakita ang gulat sa mukha niya.

Ngumisi ako.

“Ano bang nakukuha mo diyan sa paglalaro?” walang ano mang tanong niya sa akin saka binalingan ulit ang kanyang pagkain. Pancake? Ngayon ko lang nabigyan ng pansin yung pagkain niya. Late na nga siya kumain, tapos pancake lang ang kakainin niya. Diet lang?

“Siyempre pag nanalo ka, masarap sa pakiramdam. Masaya at saka fulfilling ang dating, yon!” sabi ko.

“I mean do you win cash?” tanong niya ulit.

Napailing ako “hindi naman sa nananalo ka ng cash. Pero kapag mataas na yung rank mo pwede mong ibenta ang account mo. Sa ganon paraan nagkakaroon ka ng pera” paliwanag ko at ngumisi.

Hindi na siya nagsalita pa. Sa halip ay tumango tango na lamang siya. Na para bang naintindihan niya na ang sinabi ko. Muli siyang nagpatuloy sa kanyang pagkain.

“Eh ikaw mam, naglalaro ka rin ba? I mean hindi ML, pero ibang laro?” tanong ko.

Umiling muna siya bago uminom ng tubig.

“Wala akong alam sa ganyan” sagot niya ng pranka. Pagkatapos uminom nang tubig.

“Ahh” tipid at patango tango kong sagot.

“Crossword puzzle, yun ang madalas kong nilalaro” she added saka uminom ulit ng tubig.

Sinulyapan ko siya ulit. Mukhang tapos na siya sa kanyang pagkain. Sarado na rin kase ang baunan niya nang tinignan ko ito.

Kinunot ko ang ilong ko “ang boring naman non” sabay iling. Ibinalik ko rin agad ang aking titig sa cellphone.

“Yeah, but boring is interesting” bwelta niya.

Natigilan ako sa pagkalikot sa cellphone at sinulyapan siya. Tinitigan ko siya nang mabuti dahil baka mamaya niyan ay galit na pala siya sa akin dahil lang sa sinabi ko. Relax Kim, relax! But to my surprise wala namang kahit na anong expresyon ang mukha niyang nakatingin sa akin. Seryoso pero mukhang normal naman! Normal na Bella lang. Buti na lang.

Suminghap siya bago magsalita ulit “para sa akin kase, interesting kung paano gagawin hindi boring ang isang boring na bagay”

Huh? A—ano daw?

Napatunganga ako sa sinabi niya. Simple lang naman sa pandinig yon pero bakit parang ang hirap intindihin. Malalim ba masyado ang sinabi niya? O Ako lang itong hindi makaintindi?

“Di, ba?” huli na nang mapansin kong nakapako pala ang titig niya sa akin.

“Huh?” tumingin ako sa kanya, and boom saktong sakto ang eye to eye contack namin. “Ah oo” aaminin ko sa inyo wala ako sa sarili ko habang sinasabi iyon.

Pagkatapos non ay hindi na siya nagsalita pa. At siyempre iniwasan ko na rin siya nang tigin. Nanahimik na kaming pareho sa loob ng pantry at nagpaka-busy sa cellphone. Pero aaminin ko paminsan minsan ay sinusubukan ko siyang tingnan. Sinusulyapan ko siya. Tumintingin din naman siya sa akin pero hindi naman siya nagsasalita at hindi rin ngumingiti. Anong problema ng babaeng to?

May mga pagkakataong nagtatama ang mga mata namin sa isa’t isa. Naiiling nalang ako sa tuwing mangyari ‘yon. Paano, tinatasan ba naman ako ng kilay na parang nagtatanong kung ano yon? Ganyan kami pag kami lang dalawa.

Ang weird di ba?


 

Comments

Popular posts from this blog

Sometimes You Just Fall In Love

Sometimes You Just fall In Love